MANILA, Philippines – Hindi magpapagamit si Gretchen Ho sa mga taong nais na sirain ang magandang itinatakbo ngayon ng Philippine volleyball.
Sa kanyang official twitter account, sinabi ni Ho na hindi niya tinatanggap ang alok na maging kasapi sa 5-man committee na binu-buo ng Philippine Olympic Committee (POC) para mag-takeover sa pamamahala ng Philippine Volleyball Federation (PVF).
“Clarification. I’m not part of any 5-man committed by the POC. I was invited but I declined the offer,” wika ni Ho.
Muli rin niyang iginiit ang paniniwala na ang mga namamahala ngayon sa PVF ay kanyang pinagkakatiwalaan na may kakayahan na maibangon ang kasalukuyang lugmok na estado ng team sport sa bansa.
“My loyalty lies w/ the current national team as I can attest to the credibility of the one who formed it & the objectivity of the process. I am here merely to help the national team, to serve, as an athlete, for my co-athletes. I believe in #OneForPhilippineVolleyball,” dagdag nito.
Maging ang isa pang atleta na si Ma. Angeli Tabaquero ay hindi rin nagpaunlak na maging kasapi ng komite na pangungunahan ni POC 1st Vice President Joey Romasanta at mga volleyball officials Ramon Suzara at Ricky Palou.
Kumilos ang POC dahil dalawang paksyon ang naglalaban-laban para makilala bilang lehitimong grupo sa PVF.
Ngunit sa isang komunikasyon mula sa pangulo ng world body (FIVB) na si Ary Graca ng Brazil na may petsang Nobyembre 18, sinasabi niya na ang PVF na pinamumunuan ng pangulong si Karl Chan at secretary-general Rustico Camangian ang siya nilang binabasbasan bilang kasapi ng FIVB.
Dahil sa bagong problema, ang binuong national men’s at women’s team ay hindi pinahihintulutang magsanay sa mga pasilidad na nasa pangangalaga ng Philippine Sports Commission at nalalagay sa alanganin ang planong sumali sa 2015 SEA Games sa Singapore sa tulong ng PLDT Home FiBR.