Huling silya sa Finals pag-aagawan ngayon

MANILA, Philippines - Malalaman ngayon kung sino ang siyang makakalaban ng Air Force para sa kampeonato sa 2nd PSC Chairman Cup Baseball Classic sa pagkikita ng tatlong palabang koponan sa Rizal Memorial Diamond.

Unang bakbakan ay sa pagitan ng nagdedepensang kampeon Philab Ballbusters at UAAP titlist Ateneo Eagles sa ganap na alas-7 ng umaga at ang mananalo ang siyang haharap laban sa Unicorns para madetermina ang mangunguna sa loser’s bracket.

Ang Air Force ay nasa finals na matapos kunin ang 12-2 panalo sa Unicorns noong nakaraang Linggo at may twice-to-beat advantage sa mangu­nguna sa one-loss bracket.

Ang championship sa kompetisyong inorganisa ni PSC chairman Ricardo Garcia ay gagawin bukas at ang mananalo ay mayroong P50,000.00 gantimpala.

Sa karanasan ng mga manlalaro na dating kasapi ng national baseball team huhugot ng lakas ang Philab para maigupo ang malakas na hamon ng Eagles.

Ang huling tatlong pa­nalo ng Ballbusters ay ki­natampukan ng pagtala ng isang homerun para ipakita ang bangis ng mga mamamalo nito.

 

Show comments