MANILA, Philippines - Pinaalalahanan ng pamunuan ng ABAP ang Pambansang boksingero na maghinay-hinay sa pagselebra ng Kapaskuhan at Bagong Taon lalo pa’t naghahanda ang bansa sa pagsali sa 2015 SEA Games sa Singapore.
Hindi tulad ng dati na ginagawa ang SEAG sa huling quarter ng taon, ang Singapore ay nagdesisyon na gawin ito sa Hunyo.
Bakasyon na ang national boxing team at babalik sila sa pagsasanay sa Enero 5.
“Naghahanda tayo sa SEAG at bawal ang bumalik na overweight,” ani ABAP executive director Ed Picson sa mga national boxers sa isinagawang Christmas party noong Huwebes ng gabi sa PSC Athletes Hall.
Si secretary-general Patrick Gregorio ay nakiisa rin at kinatawan ang pangulong si Ricky Vargas na may ibang pinagkaabalahan. Pero nangako si Vargas na haharapin ang mga national boxers sa kanilang pagbabalik sa Enero sa pamamagitan ng isang salu-salo.
Lahat ng mga national boxers at coaches ay tumanggap ng cash gifts na ibinigay ni Vargas at ABAP chairman Manny V. Pangilinan.
Naging produktibo ang boxing sa idinaos na Asian games sa Incheon, Korea kung saan nag-uwi ng isang silver si Charly Suarez at tatlong bronze medal sina Mark Anthony Barriga, Mario Fernandez at Wilfredo Lopez bukod pa ang silver ni Nesthy Petecio sa AIBA World Women’s Championships na ginawa sa Jeju Island sa Korea.