Lakers pinasikatan ni Beal

 Pinanood na lang ni Carlos Boozer ng Lakers ang pagdakdak ni Bradley Beal ng Washington.  

WASHINGTON -- Maagang nag-init si Kobe Bryant sa first quarter bago nanlamig sa second half.

Humugot si Bryant ng 15 sa 20 sa kanyang first-half points sa opening quarter at naimintis ang pitong field-goal attempts sa second half matapos siyang depensahan ng Washington Wizards patungo sa 111-95 panalo laban sa Los Angeles Lakers.

Tumapos si Bryant na may 29 points sa panig ng Lakers.

“He came out aggressive - just made me want to be aggressive as well. He made a lot of tough baskets on me tonight,” sabi ni Wi­zards guard Bradley Beal.

Umiskor si Beal ng 27 points para sa Washington na ginamit si Paul Pierce para patahimikin si Bryant sa third quarter.

Umiskor si Pierce ng 14 points bago naupo dahil sa foot injury sa third period.

Sa Salt Lake City, kahit na wala si DeMar DeRozan sa lineup ay alam ni Kyle Lowry na may malaki siyang responsabilidad para umiskor sa  Toronto.

Naglista si Lowry ng season-high 39 points mula sa 13-of-22 shooting para igiya ang Raptors sa 123-104 panalo kontra sa Utah Jazz.

Nalasap ng Jazz ang kanilang pang-pitong sunod na kamalasan.

Umiskor sina Greivis Vasquez at Lou Williams ng tig-17 para sa Raptors, may anim na players na umiskor ng double figures.

Tumipa sina Derrick Favors at Enes Kanter ng tig-19 points sa panig ng Utah, habang nagdagdag si Gordon Hayward ng 16 points kasunod ang 15 ni Trey Burke.

Sa Charlotte, kumolekta si Pau Gasol ng 19 points at 15 rebounds, habang nagtala sina Joakim Noah at Nikola Mirotic ng double-doubles para tulungan ang Bulls sa 102-95 panalo laban sa Hornets.

Ito ang pang-10 dikit na kamalasan ng Charlotte.

 

Show comments