Laro Ngayon
(Ynares Arena, Pasig City)
12 nn MP Hotel
vs Cagayan Valley
2 p.m. AMA University
vs Jumbo Plastic
4 p.m. Tanduay Light
vs Wangs Basketball
MANILA, Philippines - Tatapatan ng Cagayan Valley Rising Suns ang malinis na karta ng Hapee Fresh Fighters sa pagharap sa MP Hotel Warriors habang babangon ang Jumbo Plastic Giants mula sa pagkatalo sa huling laro sa pagpapatuloy ngayon ng PBA D-League Aspirants’ Cup sa Ynares Arena sa Pasig City.
Papasok mula sa halos dalawang linggong pahinga ang Rising Suns at inaasahang mas maganda ang magiging samahan ng koponan at ng top rookie pick na si Moala Tautuaa upang tumatag ang paghahabol sa kanilang ikalimang sunod na panalo.
Sa ganap na alas-12 ng tanghali magaganap ang labanan at susunod ito sa pagkikita ng Giants at AMA University Titans dakong alas-2 ng hapon.
Ang Tanduay Light at Wangs Basketball ang magsusukatan sa huling laro sa alas-4 at pakay ng Wangs na makuha ang ikatlong panalo sa limang laro at ipalasap sa Rhum Masters ang kanilang ikalimang sunod na kabiguan matapos manalo sa unang laro.
Tumapos ang 6’7 Fil-Tongan ng 25 puntos, pitong rebounds at tatlong assists nang angkinin ng Cagayan ang 89-84 double overtime panalo sa Café France Bakers noong Nobyembre 24.
Galing naman ang Giants sa 66-77 pagkatalo sa Racal Motors para malasap ang 4-2 baraha.
Kakailanganin ni coach Stevenson Tiu ang sigla ng lahat ng manlalaro para tapatan ang tiyak na inspiradong paglalaro ng Titans na pinabagsak ang Bread Story-LPU Pirates, 97-89, para itabla ang baraha sa 3-3. (AT)