Laro Bukas
(Smart Araneta Coliseum)
4:15 p.m. RoS vs Alaska
7 p.m. SMbeer vs TNT
MANILA, Philippines - Naisuko ng Bolts ang itinayong 22-point lead sa kaagahan ng third period, ngunit nakabalik sa porma sa huling limang minuto ng final canto para patalsikin ang Sorento.
Nagsalpak si Mark Macapagal ng dalawang mahalagang three-point shot sa dulo ng fourth quarter, habang tumapos si Jared Dillinger na may 25 points at 7 rebounds para sa 99-93 pananaig ng Meralco sa Kia sa 2014-2015 PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Binuhay ng Bolts ang kanilang tsansa para sa ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals, samantalang tuluyan nang namaalam ang Sorento ni playing coach Manny Pacquiao sa nalasap nilang pang-siyam na sunod na kamalasan.
Solo ng San Miguel ang liderato sa kanilang 8-1 rekord kasunod ang Alaska (8-2), Rain or Shine (7-2), Talk ‘N Text (6-3), Ginebra (6-4), nagdedepensang Purefoods (5-4), Globalport (5-5), Meralco (5-5), Barako Bull (4-6), NLEX (3-7), Kia (1-9) at sibak nang Blackwater (0-10).
Matapos iposte ng Bolts ang 22-point lead, 63-41, sa pagsilip ng third period ay kumamada naman ang Sorento ng 22-8 atake para agawin ang unahan, 72-71, sa huling 20.9 segundo.
“When they took lead in fourth there’s a possibility we might lose the game,” ani Meralco head coach Norman Black sa Kia.
Tumipa si Macapagal ng dalawang tres at nakipagtulungan kay Cliff Hodge sa final canto para muling ibigay sa Bolts ang 92-83 abante sa huling 4:20 minuto ng laro.
Huling nakadikit ang Sorento sa 93-96 sa natitirang 48 segundo at hindi na nakaiskor muli hanggang sa pagtunog ng final buzzer.
Meralco 99 -- Dillinger 25, Hodge 17, Anthony 14, Wilson 11, David 10, Macapagal 8, Morrison 4, Cortez 3, Ferriols 3, Ildefonso 2, Sena 2, Buenafe 0, Guevarra 0.
Kia 93 -- Cervantes 18, Poligrates 11, Revilla 10, Bagatsing 10, Thiele 9, Alvarez 8, Pascual 8, Dehesa 7, Custodio 6, Webb 4, Burtscher 3,.
Quarterscores: 34-19; 60-39; 73-72; 99-93.