PHILADELPHIA – Naglaro ang San Antonio Spurs nang wala sina center Tim Duncan at guard Tony Parker, ngunit nabigyan naman si forward Kawhi Leonard ng pagkakataon para magbida.
Umiskor si Leonard ng game-high 26 points at nagsalpak ng krusyal na three-point play sa huling minuto para banderahan ang Spurs sa 109-103 panalo laban sa 76ers.
Ipinahinga ng San Antonio si Duncan, habang may shoulder injury naman si Parker para sa Spurs (13-4).
Nagdagdag si Aron Baynes ng 15 points kasunod ang tig-14 nina Manu Ginobili at Cory Joseph para sa pang-walong sunod na panalo ng San Antonio.
Nagposte naman si Michael Carter-Williams ng 24 points at 11 rebounds sa panig ng Philadelphia, habang may 19 points si Alexey Shved.
Naglaro ang 76ers nang wala sina leading scorer Tony Wroten (knee injury) at rookie first-round pick Nerlens Noel (hip injury).
Sa Washington, naglista si John Wall ng 18 points at 13 assists at pinuwersa ng Wizards ang Miami Heat sa 0 for 12 shooting sa 3-point line sa second half para iposte ang 107-86 panalo.
May 11-5 record ngayon ang Washington.
Tumipa si Rasual Butler ng 23, habang kumolekta si Marcin Gortat ng 15 points at 10 rebounds para sa Wizards, nagtayo ng 21-point lead sa first half at lumamang ng 25 puntos sa second half laban sa Heat.
Sa iba pang resulta, inungusan ng Denver ang Utah, 103-101, at tinambakan ng Los Angeles Clippers ang Minnesota Timberwolves, 121-95.