MANILA, Philippines - Bibigyan ng pagpupugay sina Troy Rosario, Jiovani Jalalon, Gelo Alolino at Baser Amer sa gaganaping UAAP-NCAA Press Corps at SMART 2014 Collegiate Basketball Awards sa Huwebes sa Saisaki-Kamayan Edsa.
Ang sentro ng UAAP champion National University Bulldogs na si Rosario ay kikilalanin bilang Doctor J Breakthrough Player habang sina Jalalon, mula sa pumangalawang koponan sa NCAA na Arellano Chiefs, at Alolino ng NU ang mga Impact Players.
Si Amer, na starting pointguard ng NCAA five-peat champion San Beda Red Lions, ang bibigyan ng ACCEL Court General dahil sa husay sa pagdiskarte sa loob ng court.
Ang seremonya ay suportado rin ng Smart Sports, Accel 3XVI at Kohl Industries na nagpapamahagi ng Doctor J alcohol, Bactigel hand sanitizer at Mighty Mom dishwashing liquid.
Sina champion coaches Eric Altamirano (NU) at Boyet Fernandez (SBC) ang tatanggap ng Coach of the Year awards habang sina Kiefer Ravena ng Ateneo Eagles, Earl Scottie Thompson ng Perpetual Help Altas, Ola Adeogun ng Red Lions, Mac Belo ng FEU Tamaraws at Jeron Teng ng La Salle Archers ang bubuo sa Mythical Five.
Ang mga Pivotal Players ay sina Anthony Semerad (SBC) at Alfred Agora (NU) habang sina Glenn Khobuntin ng NU, Kyle Pascual ng San Beda at Almond Vosotros ng La Salle ang tatanggap ng Super Senior plum.