MANILA, Philippines – Binigyan ng Foton Tornadoes ng disenteng pagtatapos ang nabigong kampanya sa 2014 Philippine Superliga Grand Prix na handog ng Asics nang angkinin ang ikalimang puwesto sa Mane ‘N Tail sa 25-23, 18-25, 17-25, 25-12,15-12, panalo sa pagtatapos ng liga kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Si Irina Tarasova ay nagpasabog ng 33 puntos galing sa 26 hits, apat na aces at tatlong blocks, para tulungan ang Tornadoes na makabangon matapos matalo sa third set sa ligang inorganisa ng Sports Core at may ayuda pa ng Air21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.
Ang dating Ateneo star na si Dzi Gervacio ay may 12 puntos at si Elena Tarasova ay may 12 para sa Foton na naisantabi ang career game ni Kristy Jaeckel.
Binura ni Jaeckel ang kanyang scoring record sa liga na 40 puntos sa kinamadang 41 hits mula sa 35 kills at tig-tatlong blocks at aces.
“Late kaming nabuo kaya wala akong mairereklamo sa ipinakita ng mga players lalo pa’t nalagay kami sa fifth place,” wika ni Foton coach Villet Ponce de Leon.
Tinapos ng Tornadoes ang kampanya tangan ang magkasunod na panalo upang magkaroon ng kabuuang tatlong panalo.
Ang Cignal HD Lady Spikers ang huli nilang tinalo bago ang larong ito bukod sa RC Cola-Air Force Raiders.
“Kung maaga kaming nakapaghanda, marahil ay mas maganda ang aming naipakita. Pero kontento ako at gagamitin ito para mas maganda ang maipakita sa next conference,” dagdag ni Ponce de Leon.
Kasalukuyan pang nagpapaluan ang Petron Lady Blaze Spikers at Generika Life Savers para sa kampeonato ng torneo habang sinusulat ito.