Laro Bukas
(Cuneta Astrodome)
2 pm Mane N Tail vs Foton (Battle for 5th)
4 pm Battle for 3rd
(Cignal vs RC Cola)
6 pm Championship (Petron vs Generika)
MANILA, Philippines - Naipakita ng Petron ang larong inaasahan sa kanila para pagpahingahin na ang Cignal, 25-23, 25-16, 25-21, sa 2014 Philippine Superliga (PSL) semifinals na handog ng Asics kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Puno ng enerhiya na naglaro si Alaina Bergsma matapos gumawa ng 25 puntos mula sa 18 hits, apat na blocks at tatlong aces habang sina Dindin Santiago at Frances Molina ay naghatid ng 13 at 10 puntos para angkinin ng Petron ang unang upuan sa championship sa ligang inorganisa ng Sports Core at suportado pa ng Air 21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.
“Hindi ko inasahan na magiging ganito ang resulta ng laro dahil malakas at naghanda rin ang Cignal. Pero maganda ang gising ng mga bata kaya nagklik ang mga plays,” wika ni Petron coach George Pascua.
Tiwala si Pascua na may ilalabas pa ang kanyang bataan para makuha ang kanilang kauna-unahang PSL title.
Katunggali ng Petron sa one-game finals sa Linggo ang number two seed Generika Life Savers na winalis din ang napahingang RC Cola-Air Force Raiders, 25-23, 25-16, 25-23, sa ikalawang Final Four match.
Ang Petron at Generika ay naghati sa dalawang pagtutuos sa elimination round kaya’t inaasahan dikdikan ang aksyon na magaganap na ikatutuwa ng mga manonood.
Ang mga imports ng Cignal na sina Lindsay Stalzer at Sarah Ammerman ay mayroong 14 at 13 puntos at ang tanging habol nila sa liga ay ang ikatlong puwesto laban sa RC Cola
Magandang pagtatapos na rin ito para sa Cignal na sa All-Filipino conference ay nalagay sa ikapitong puwesto lamang. (ATan)