MANILA, Philippines - Hindi nakikita ni Petron Lady Blaze Spikers coach George Pascua na bababa ang morale ng kanyang koponan matapos ang five sets pagkatalo sa kamay ng Generika Life Savers sa pagtatapos ng elimination sa 2014 Philippine Superliga na handog ng Asics noong Miyerkules.
Sa halip, nakikita ni Pascua na mas lalalim ang kanilang puwersa sa pagpasok ng kompetisyon sa semifinals ngayon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
“Gusto naming ipanalo ang laro pero kasabay nito ay ang plano na i-expose ang ibang local players. Wala kaming problema sa mga imports ko pero ang mga locals, kailangan pang mag-jell kaya binigyan sila ng exposure,” wika ni Pascua sa nalasap na 25-18, 12-25, 20-25, 25-18, 11-15 iskor sa Generika tungo sa 8-2 baraha.
Nasa unang puwesto pa rin ang Petron at makakaharap ang pumang-apat na Cignal HD Lady Spikers (4-6) sa unang laro sa ganap na alas-2 ng hapon.
Ang Generika, na pumangalawa sa elims sa 7-3 baraha, ang kasukatan ng pumangatlong RC Cola-Air Force Raiders (5-5) at ang mga mananalo ay aabante sa one-game Finals sa Linggo sa ligang inorganisa ng Sports Core at suportado pa ng Air21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.
Ang huling laro dakong alas-6 ng gabi ay sa pagitan ng PLDT Telpad at Cignal para sa kampeonato sa kalalakihan.
Ang ikatlong puwesto sa dibisyong ito ay inangkin ng Cavite nang pabagsakin ang Maybank sa 25-14, 26-24, 25-22 noong Miyerkules ng gabi na ginawa sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.
Tiyak na puno ng enerhiya sina Alaina Bergsma at Erica Adachi matapos ang limitadong paglalaro kontra sa Generika para igiya ang Lady Blaze Boosters sa ikatlong sunod na panalo laban sa Cignal.