Ginobili humataw sa Pop-less San Antonio

  Tinirahan ni Manu Ginobili ng San Antonio sina Lavoy Allen at Donald Sloan ng Indiana sa NBA.  

SAN ANTONIO--Gumawa si Manu Ginobili ng 28 puntos at ang nagdedepensang NBA champion San Antonio ay nagposte ng 106-100 panalo laban sa In­diana Pacers kahit wala ang kanilang coach na si Gregg Popovich.

Ang assistant ni Popo­vich na sumailalim sa ‘minor medical procedure’, na si  Ettore Messina ang hu­mawak sa koponan.

Si  Ginobili ay dating manlalaro ni Messina sa Bologna noong 2001 at lumabas ang dating gilas ng beteranong manlalaro sa second half na kung saan ibinagsak niya ang 21 puntos.

May 21 puntos pa si Tony Parker habang si Kawhi Leonard ay may 21 din bukod sa 13 rebounds at si Tim Duncan ay naghatid ng 17 puntos para ibigay sa Spurs ang ikalimang sunod na panalo at 10-4 karta.

Si Rodney Stuckey ay may 22 puntos para sa Pa­cers na bumaba sa 6-9 karta.

Sa Los, Angeles, kumana ng tig-19 puntos sina Marc Gasol at Mike Conley at ang una ay may 11 rebounds pa upang bitbitin ang Memphis Grizzlies sa 99-93 panalo sa  Lakers.

Ito ang ikapitong sunod na panalo ng Grizzlies sa walong laro para hawakan ang 13-2 baraha at saluhan ang nasa unahan sa overall NBA standings na Toronto Raptors.

Si Kobe Bryant ay naghatid ng 22 puntos para sa Lakers na hinawakan pa ang 51-46 bentahe bago nanalasa si Gasol sa ikatlong yugto nang itarak ang 12 sa kanyang 16 se­cond half points at ipatikim  ang ikapitong kabiguan sa walong laro ng LA sa Staples Center.

 

Show comments