Le Tour de Filipinas kasado na sa Pebrero
MANILA, Philippines – Babasagin ng Le Tour de Filipinas (LtDF) ang dekada ng tradisyunal na pagdaraos ng cycling event na ginagawa tuwing buwan ng Abril o Mayo.
Ang pang-anim na edisyon ng LtDF ay nakatakda sa Pebrero 1 hanggang 4, 2015 na magiging tampok sa pagdiriwang ng ika-60 taon ng Tour sa bansa.
Ang International Cycling Union (UCI), ang world governing body para sa cycling, ang nag-iskedyul sa LtDF sa Pebrero para makaangkop sa Asian Tour calendar.
Inilunsad ang Tour noong 1954 sa pamamagitan ng Manila-Vigan race na pinagharian ni Antonio Arzala bilang inaugural champion. Pakakawalan ang 2015 Le Tour sa Pebrero 1 hanggang 4 sa Cordilleras sa Burnham Park sa Baguio City.
Ang inaasahang 75 riders mula sa 15 koponan na tatampukan ng mga continental at international squads at clubs ay aakyat sa Kennon Road--isang maikli ngunit mapanganib na 18-km climb na napasama sa mga istorya ng Philippine cycling.
- Latest