Energy nagpalakas ng tsansa sa quarters
MANILA, Philippines – Maagang kinontrol ng Energy ang laro simula sa opening period.
At hindi na nila ito pinakawalan hanggang sa final canto para palakasin ang kanilang tsansa sa quarterfinal round.
Umiskor sina guards RR Garcia at Carlo Lastimosa ng tig-16 points para pangunahan ang 97-82 pagsuwag ng Barako Bull sa expansion team na Blackwater sa 2014-2015 PBA Philippine Cup kagabi sa Ynares Center sa Antipolo City.
Nagtayo ang Energy ng 26-point lead sa third period para ipalasap sa Elite ang pang-siyam na sunod nitong kamalasan.
“The way we started the energy that the guys brought in made the difference in this game,” sabi ni coach Koy Banal.
Itinaas ng Barako Bull ang kanilang baraha sa 3-6 sa ilalim ng San Miguel (7-1), Alaska (7-1), Rain or Shine (6-2), Ginebra (5-3), Talk ‘N Text (5-3), nagdedepensang Purefoods (4-3), Meralco (4-4), Globalport (4-5) at NLEX (3-5) kasunod ang Kia (1-7) at Blackwater (0-9).
Kinuha ng Energy ang 22-9 abante sa first period bago tambakan ang Elite sa 70-44 sa huling 2:24 minuto ng third quarter mula sa split ni Lastimosa.
Pinilit naman ni rookie guard Brian Heruela na mailapit ang Elite nang umiskor ng 14 sa kanyang 19 points sa fourth quarter.
Ngunit sadyang kulang na ang oras para agawan nila ng panalo ang Energy.
Kasalukuyan pang naglalaro ang nagdedepensang Purefoods at ang Kia habang isinusulat ito kung saan pinarangalan ng PBA si playing coach Manny Pacquiao.
Barako Bull 97 - Garcia 16, Lastimosa 16, Pascual 13, Miranda 9, Intal 9, Pennisi 9, Salva 6, Lanete 6, Marcelo 5, Wilson 4, Salvador 2, Paredes 2, Hubalde 0.
Blackwater 82 - Faundo 23, Heruela 19, Nuyles 12, Gamalinda 8, Laure 6, Menor 4, Timberlake 3, Erram 2, Rodriguez 2, Ballesteros 2, Celiz 1, Tiongson 0, Artadi 0, Austria 0.
Quarterscores: 22-9; 41-30; 72-48; 97-82.
- Latest