2 golds sa Pinoy sanda artists

MANILA, Philippines – Lumabas  uli ang galing ni Jessie Aligaga habang nagmarka ang ipinakita ni Jean Claude Saclag nang nanalo sila ng mga gintong medalya sa idinaos na 7th Sanda World Cup sa Sena­yan, Jakarta, Indonesia.

Si Aligaga na isang SEA Games gold medalist noong 2011 at silver meda­list sa World Wushu Championships noong nakaraang taon sa Kuala Lumpur, Malaysia ay kumampanya sa 48-kilogram at sa ikalawang pagkakataon ay lumabas na pinakamahusay nang talunin si Chandsra Singh Mayanglamban ng India.

Ang kompetisyon ay kinakitaan ng mga sanda artists na nag-uwi ng medalya sa World Championships at unang tinalo ni Aligaga ang pambato ng China na si Song Buer.

Si Buer ang siyang tu­malo sa Filipino bet sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Hindi naman nagpahuli si Saclag, ang Incheon Asian Games silver meda­list sa 60-kg nang unang tinalo ang silver medalist sa KL na si Ban Van Trong ng Vietnam bago isinunod ang isa ring bronze medal winner sa World event na si Khaled Hotak Mohamma ng Afghanistan.

Dalawa lamang ang naipadala ng Wushu Fe­de­ration of the Philippines dahil ang iba pang ku­walipikado na si Benjie Rivera, World champion sa men’s 52-kg at bronze medalist sa wo­men’s 52-kg na si Evita Zamora ay hindi puwedeng sumama. Si Rivera ay nagretiro na habang may iniindang injury si Zamora.

Ang dalawang ginto ay pumantay sa naabot ng Pilipinas noong 2012 edisyon nang sina Aligaga at Dembert Arcita (52kg) ay nagwagi rin upang palawigin na sa pitong ginto, pitong pilak at anim na bronze medals ang naiuwi ng mga pambato ng bansa mula ng sumali sa tuwing dalawang taong kompetisyon noong 2004.

Show comments