MANILA, Philippines – Kinapos ang laban para sa ginto ni Nesthy Petecio nang matalo siya kay Zinaida Dobrynina ng Russia sa Finals ng featherweight division sa pagtatapos ng 2014 AIBA World Championships kahapon sa Jeju Island, South Korea.
Ibinigay ni Petecio ang lahat ng kanyang nalalaman pero sinamang-palad na hindi nakuha ang pagsang-ayon ng dalawa sa tatlong hurado para makontento sa pilak.
Tabla ang iskor sa isang hurado sa 38-all pero ang dalawang iba pa ay pumanig kay Dobrynina, sa iisang 39-37, iskor tungo sa gintong medalya.
Hindi naman naalisan ng kinang si Petecio sa pagkatalo sa finals dahil tunay na ipinamalas niya ang ipinagmamalaking tapang ng mga atleta ng Pilipinas.
Nangyari ito sa semifinals na kung saan pinatalsik ng tubong Davao del Sur ang nagdedepensang kampeon at number one ranked sa division na si Tiara Brown ng USA.
Mga hooks ang naging pamatay ni Petecio sa mas matangkad na si Brown tungo sa 40-36, 39-38, 39-38 panalo.
Bago si Brown ay kinalos muna ni Petecio sina Manel Meharzi ng Algieria at Maryna Malovana ng Ukraine sa unang dalawang round bago isinunod si Lu Qiong ng China sa quarterfinals. Dominado ni Petecio ang lahat ng mga labang ito dahil sa pamamagitan ng unanimous decision siya nagtagumpay.
Sina Roel Velasco at Violito Payla ang mga coaches at si Karina Picson ang itinalagang team manager ng team Phl na isinali ng ABAP sa torneo. (AT)