MANILA, Philippines – Muling idinisplay ni world champion Paeng Nepomuceno ang kanyang husay matapos angkinin ang Senior Masters at Mixed Open titles sa 1st Nobleland Open Bowling Cup championships noong Linggo sa E-Lanes Center sa San Juan City.
Bukod sa dalawang major crowns, sinikwat din ng 57-anyos na si Nepomuceno, ang nag-iisang four-time winner ng World Cup, ang open men/ladies plum.
“I’m so happy because I consider my victories quite unique,” ani Nepomuceno.
Dinala ang kampanya ng Nobleland, nagpagulong si Nepomuceno ng 2328 sa 10 games para ungusan sina Nilo Penado (2321) ng PBA at Sammy Say Sy (2300) ng MTBA-Henrich sa Senior Masters event.
Nagtala ang veteran lefty ng 2889 sa 12 games para talunin sina Carlo Mansilungan (2852) at Kevin Cu (2801) sa Mixed Open.
Nagposte naman si Paeng ng 736-739 para sa 1475 at daigin sina Kenneth Chua (1454) at Sammy Say Sy (1417) sa men/ladies singles competition.
Kabilang sa mga batang tinalo ni Nepomuceno sa Mixed Open ay sina dating World Cup international finalists Benshir Layoso, pumang-apat sa kanyang 2795, Krizziah Tabora, nasa ikaanim sa kanyang 2713, at Mades Arles, tumapos sa ika-12 sa inilistang 2633 sina Alexis Sy (2625), Tyrone Ongpauco (2524) at Kenneth Chua (2523).
Naglaro sina Nepomuceno, Mansilungan, Cu, Layoso at fifth placer Jay-Ar Tan nang walang handicap sa Mixed Open, habang sina Tabora at Arles ay may parehong 8 handicap.