MANILA, Philippines – Pagsisikapang isantabi ng Jumbo Plastic Giants ang pagkawala ng ilang key players sa pagharap sa MP Hotel Warriors sa PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa JCSGO gym sa Cubao, Quezon City.
Ikalawang sunod na panalo at pang-apat matapos ang limang laro ang makukuha ng Giants kung mapataob ang Warriors sa kanilang tagisan sa ikalawang laro dakong alas-2 ng hapon.
Kasalo ngayon ng tropa ni coach Stevenson Tiu ang pahingang Café France Bakers sa ikatlong puwesto kasunod ng walang talong Hapee Fresh Fighters at Cagayan Valley Rising Suns.
Galing ang Giants mula sa 81-65 panalo sa Wangs Basketball sa larong nakitaan ng pagkawala ng sentrong si McLean Sabellina nang napilayan sa index finger.
Si Sabellina ang ikalawang big man ng Giants na hindi makakalaro matapos dumanas ng shoulder injury si Jan Colina.
Bukod pa ito sa pagkawala ng mahusay na guard na si Brian Heruela na kinuha ng Blackwater Elite sa PBA habang ang shooter na si Jan Colina ay nagpaalam para maglaro sa ibang liga.
Paniwala naman ni Tiu na may mga maaasahang manlalaro pa siya para daigin ang Warriors na may 1-3 baraha.
Apat pang koponan na nasa huling puwesto ang mag-uunahan sa paghahangad ng panalo sa dalawang hiwalay na laro.
Ang Racal Motors ay makikipagtagisan sa AMA University Titans sa unang laro sa ganap na alas-12 ng tanghali habang ang MJM Builders at Bread Story-LPU Pirates ang magkikita sa huling laro dakong alas-4 ng hapon.