MANILA, Philippines – Ipinakita agad ng nagdedepensang kampeong Ateneo Lady Eagles ang kanilang kahandaan na makadalawang sunod sa UAAP women’s volleyball nang walisin ang National University Lady Bulldogs 25-21, 25-18, 25-15, sa pagsisimula ng 77th season kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang MVP noong nakaraang season na si Alyssa Valdez ang namuno sa Lady Eagles sa kanyang 28 puntos at ipinamalas niya ang galing sa pag-spike, block at serve para bigyan ng 1-0 kalamangan ang koponan.
Gumawa si Valdez ng 20 kills, anim na aces at dalawang blocks at inako niya ang siyam sa huling 16 puntos na pinaglabanan, tampok ang apat na aces na tumapos sa labanan.
Bago ang muling pag-iinit ni Valdez, ang Lady Bulldogs ay nagbabadya na makaisang set matapos magtabla ang dalawang koponan sa 12-all.
Nauna rito, kuminang din ang laro ng UST Tigresses sa inangking 25-11, 25-12, 25-14, straight sets panalo sa host UE Lady Warriors.
“We wanted to start the season right,” sabi ni UST coach Odjie Mamon, kung saan mapapalaban ang kanyang bataan sa dating kampeong La Salle sa Nov. 30. “But this game is not really a gauge because UE is rebuilding and they have new players. We are not underestimating them because maraming nabago sa kanila.”
Si team captain Pamela Lastimosa ay mayroong 12 hits, ang baguhang si EJ Laure ay may walong puntos, kasama ang dalawang blocks at si Ria Meneses ay may pitong puntos para magkaroon ng magandang panimula ang 11-time champion na nais bumangon mula sa pang-anim na pagtatapos sa season 76.