Depensa ni Pacman live sa GMA7

MANILA, Philippines - Nakatakdang depensahan ng Filipino bo­xing hero at eight-division world champion Manny “Pacman” Pacquiao ang kanyang WBO world welterweight belt kontra kay Chris Algieri bukas, (Nobyembre 23) sa Cotai Arena sa Macau.

 Masasaksihan via satellite ang labanang tinaguriang “Pacquiao vs. Algieri: Hungry for Glory” sa GMA Channel 7 mula alas-11 ng umaga. Maaari namang sundan ang live blow-by-blow account ng salpukan nina Pacquiao at Algieri sa Super Radyo DZBB 594, Barangay LS 97.1 at sa lahat ng RGMA stations sa bansa simula alas-10 ng umaga.

 Sa kaniyang huling laban sa Macau, pinatunayan ni Pacquiao na siya pa rin ang pinaka-mahusay na boksingero ng kaniyang henerasyon nang talunin niya si Brandon Rios para sa bakanteng WBO international world title.

 Matagumpay naman niyang nadepensahan ang kaniyang WBO world welterweight belt sa kanilang muling paghaharap ni Bradley sa Las Vegas nitong Abril. Sa ngayon, si Pacquiao ay mayroong record na 55 wins (38 KO), 5 losses at 2 draws.

 Nakilala naman si Chris Algieri sa larangan ng kickboxing bago ito naging isang professional boxer. Hawak ni Algieri ang record na 20 wins (8 KO), 0 loss at 0 draw pagkatapos niyang talunin si Ruslan Provodnikov para sa world light welterweight cham­pionship.

Muling mapapanood ang “Pacquiao vs. Al­gieri: Hungry for Glory” sa Sunday Night Box Office (SNBO) sa GMA sa ganap na 10:40 ng gabi.

Show comments