Tsansa ni Algieri kay Pacquiao ‘zero’ - Roach
MACAU--Hindi binibigyan ni trainer Freddie Roach ng anumang tsansa si Chris Algieri para talunin si Manny Pacquiao bukas sa Cotai Arena.
“Zero,” sambit ni Roach.
Tinatapos na ni Roach ang roundtable interview noong Biyernes ng umaga nang tanungin ukol sa tsansa ni Algieri na manalo kay Pacquiao.
Maski ang mga oddsmakers ay naniniwalang hindi mananalo si Algieri kay Pacquiao, binigyan ng -800 (kailangan mong tumaya ng $800 para manalo ng $100) at si Algieri ay +550 (ang $100 ay kikita ng $550).
Nasa ibang lamesa naman ang mga trainers ni Algieri at sinabi sa mga reporters na tatalunin ng American fighter si Pacquiao.
“Chris is the young lion and he will prevail,” sabi ni Tim Lane kay Algieri.
Nagparamdam si Lane na makakaiskor si Algieri ng knockout win kay Pacquiao.
“I truly believe the fight will not go the distance. I believe that Manny will go to sleep, go back home and retire,” wika ni Lane.
Ayon naman kay Roach, hindi kayang pabagsakin ni Algieri si Pacquiao dahil hindi nito napatumba ang karamihan sa kanyang 20 nakalaban.
May malinis na 20-0 record si Algieri ngunit may walong knockouts lamang. Tangan naman ni Pacquiao, may 56 wins, 5 defeats at 2 draws, ang 38 KOs.
Natawa naman si Roach sa pahayag ni Lane na mananalo si Algieri kay Pacquiao sa pamamagitan ng knockout.
“No chance. Chris doesn’t have the power,” ani Roach.
Tinalo ni Algieri si Ruslan Provodnikov noong Hunyo sa kabila ng dalawang beses na pagbagsak sa first round.
“Maybe they think they’re going in there with a guy like Ruslan and that they have a chance. Ruslan is a heavy hitter but he’s not Manny Pacquiao,” sabi ni Roach.
- Latest