MANILA, Philippines - Hindi nagpahuli ang mga koponan ng Arellano sa 90th NCAA volleyball nang manalo ang Chiefs at Lady Chiefs sa San Beda upang makuha ang ikatlong sunod na panalo kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sina Benrasaid Latip at Sanny Sarino ang namuno sa matinding laro na ipinakita ng Chiefs tungo sa 25-13, 25-18, 25-23, panalo sa Red Lions at masaluhan ang Perpetual Help Altas at Emilio Aguinaldo College Generals sa unang puwesto sa men’s division.
Tumapos si Latip bitbit ang 10 puntos, isa lamang ang hindi nanggaling sa atake para tulungan ang Arellano sa 40-30 bentahe sa spike. May tatlong blocks naman si Sarino na naghatid ng walong puntos, para bigyan ang Chiefs ng 9-4 kalamangan sa nasabing departamento at ipalasap sa San Beda ang kanilang ikatlong sunod na kabiguan.
Nagsanib sina Dann Henson at Cristine Joy Rosario sa 25 hits habang ang siyam na iba pang kakampi ay may produksiyon din para sa balanseng pag-atake tungo sa 25-10, 25-10, 25-18, straight sets panalo ng Arellano sa San Beda sa women’s division.
Bunga nito ay napantayan ng Lady Chiefs angdating solo sa itaas na Perpetual Help Lady Altas habang nasa ikalawang puwesto ang San Sebastian Lady Stags at St. Benilde Lady Blazers sa 2-0 marka. Ang San Beda ay natalo rin sa ikatlong sunod na pagkakataon upang samahan ang Letran Lady Knights sa huling puwesto.
Magpapatuloy ang laro ngayon at masusukat ang tibay ng mga nagdedepensang kampeon Altas at Lady Altas sa Stags at Lady Stags.
Pakay ng Altas ang ika-51st sunod na panalo na nagsimula noon pang 2011 kung apabagsak ang Stags.
Ikaapat na sunod na panalo ang nakataya sa Lady Altas sakaling mapataob ang hamon ng Lady Stags sa pamumuno ng power spiker na si Gretchel Soltones.