MANILA, Philippines - Dapat isuko ng mapipiling bagong head coach ng Gilas Pilipinas ang kanyang ibang trabaho para maipatupad ang programa ng Samahang Basketbol ng Pilipinas.
Ang naturang aspeto ay nakasaad sa napagkasunduang kriterya na ibinalangkas ng Search and Screening Committee ng SBP para sa pagpili ng papalit kay Chot Reyes sa bench ng Nationals.
“If you’re a full time head coach in the PBA or any other team, you will have to divest yourself of that head coaching job if you are appointed as Gilas head coach,” ani SBP executive director Sonny Barrios.
Sa kanilang idinaos na ikalawang pagpupulong noong Martes ay dalawang pangalan ang sinabi ni Barrios na kanilang irerekomenda kay SBP president Manny V. Pangilinan.
Ngunit hindi ibinunyag ng nasabing komite, binubuo nina SBP vice chairman Ricky Vargas, PBA Commissioner Chito Salud, PBA chairman Patrick Gregorio at vice-chairman Robert Non, ang pangalan ng nasabing dalawang coaches.
Ang sinasabing pinagpilian ng grupo ay sina Tim Cone ng Purefoods at Norman Black ng Meralco, Yeng Guiao ng Rain or Shine, Jong Uichico ng Talk ‘N Text, Robert Jaworski, Sr., Talk ‘N Text team consultant Tab Baldwin, NU mentor Eric Altamirano, Ryan Gregorio at Franz Pumaren.
Isa sa mga nakasaad sa kriterya ay ang pagkakaroon ng malalim na pang-unawa sa international basketball.
Sa nasabing mga ikinunsidera, si Baldwin ang nagtataglay ng malawak na international coaching experience.
Si Baldwin ang humawak sa mga national teams ng New Zealand, Malaysia, Lebanon at Jordan bago naging team consultant ng Gilas na pinamahalaan ni Reyes.