MANILA, Philippines – May mga maaasahang manlalaro ang Pilipinas para ipalit sa mga hinahangaan ngayon tulad nina Dennis Orcollo at Rubilen Amit.
Ito ang ipinakita nina Jeffrey Roda at Cheska Centeno nang nanalo ng pilak at bronze medals sa idinaos na World Junior Pool Championships sa Shanghai, China.
Ang 15-anyos na si Roda na pumangatlo sa Asian Junior Pool Championships sa Chinese Taipei noong Agosto ay minalas na na-scratch sa 15th rack at ang iskor ay 7-all.
Agad na kinapitalisa ito ni Kong De-Jing ng China at inisa-isa ang pasok sa bola tungo sa 8-7 tagumpay at kilalaning world champion sa Under-17 category.
Si Centeno na tulad ni Roda ay isang Palarong Pambansa champion at nagkampeon sa Asian Championship sa Taipei ay hindi nakabangon mula sa 1-4 panimula laban kay 2012 champion Kamila Kohd-Jaeva Belguim tungo sa 5-9 pagkatalo sa semifinals sa girls division.
Hindi naman pinalad si Kohd-Jaeva na mapanatili ang kampeonato matapos ang 9-3 pagyuko kay Liu Yu Chen ng China.
Wala mang titulo na naiuwi, masaya si BSCP president Arturo Ilagan sa ipinakita ng dalawang batang cue artists.
“Sa kanilang murang edad ay nakakapaghatid na sila ng karangalan sa bansa. Kaunting pagsasanay pa at exposures, nakikita ko na kaya nilang maging world champions sa hinaharap,” wika ni Ilagan.