Bryant humataw sa Lakers
ATLANTA – Minsan lamang magdiwang si Kobe Bryant at ang Los Angeles Lakers.
At hindi na nila pinakawalan ang nasabing pagkakataon.
Tumipa si Bryant ng 28 points at inilista ng Lakers ang kanilang ikalawang panalo matapos igupo ang Atlanta Hawks, 114-109, noong Martes ng gabi.
Ang locker room na napuno ng kalungkutan ay biglang umingay.
Ang pinakamahalagang tirang isinalpak ni Bryant ay nangyari sa huling 1:11 minuto nang umiskor siya ng isang fadeaway jumper laban kay Thabo Sefolosha at nakakuha ng foul.
Nakipag-appear si Bryant sa isang fan sa front row at kinumpleto ang kanyang three-point play na nagbigay sa Lakers ng 108-102 abante.
Nag-ambag si Carlos Boozer ng 20 points para sa Lakers, habang may 17 si Nick Young, nagmula sa thumb injury, sa kanyang unang laro sa season.
Nagkaroon ang Hawks ng tsansang makahirit ng overtime ngunit pinigilan ng Lakers ang long-range attempt ni Kyle Korver kung saan nito ipinasa ang bola kay Pero Antic.
Lumabas sa rim ang tres ni Antic at nakipag-agawan ang Lakers sa loose ball para selyuhan ang kanilang panalo.
Sa iba pang resulta, tinalo ng Milwaukee ang New York, 117-113; pinatumba ng Utah ang Oklahoma, 98-81; at dinaig ng New Orleans ang Sacramento, 106-100.
- Latest