MANILA, Philippines – Nasa Barako Bull ang karangalan bilang koponang nagpatikim sa Alaska ng kauna-unahan nitong kabiguan sa 2014-2015 PBA Philippine Cup.
Nakahugot ng mahahalagang puntos kay veteran guard Denok Miranda, ginitla ng dehadong Energy ang Aces, 85-78, kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Tumapos si Miranda na may 21 points, tampok ang isang krusyal na jumper sa huling 50.1 segundo sa final canto, kasama rito ang 4-for-5 shooting sa three-point range para banderahan ang ikalawang sunod na panalo ng Energy.
Sa kabila ng kabiguan, hawak pa rin ng Alaska ang liderato sa kanilang 6-1 baraha.
Mula sa 20-18 abante sa first period ay pinalobo ng Energy ang kanilang kalamangan sa 18 puntos, 49-31, sa halftime.
Pinalaki pa ito ng Barako Bull sa 21-point lead, 54-33, sa 8:42 minuto ng third quarter bago nakadikit ang Alaska sa 67-71 agwat sa 6:42 minuto ng final canto.
Isinalpak ni Miranda ang isang jumper sa huling 50.1 segundo para selyuhan ang panalo ng Energy laban sa Aces.
Barako Bull 85 - Miranda 21, Garcia 18, Pascual 12, Lanete 10, Intal 8, Lastimosa 7, Wilson 6, Hubalde 2, Pennisi 1, Salvador 0, Salva 0, Marcelo 0, Paredes 0.
Alaska 78 - Abueva 16, Manuel 15, Casio 13, Hontiveros 8, Jazul 8, Menk 5, Banchero 4, Exciminiano 4, Baguio 3, Thoss 2, Eman 0, Dela Rosa 0, Bugia 0, Dela Cruz 0.
Quarterscores: 20-18; 49-31; 65-54; 85-78.