MANILA, Philippines – Puwesto sa semifinals ang makukuha ng RC Cola-Air Force Raiders kung manalo pa sa Mane ‘N Tail Lady Stallions sa pagpapatuloy ng 2014 Philippine Superliga Grand Prix na handog ng Asics ngayon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Sa ganap na alas-4 ng hapon magsisimula ang tagisan at ang masusungkit na ikalimang panalo matapos ang walong laro ay sapat na para samahan ang Petron Lady Blaze Spikers sa Final Four sa ligang inorganisa ng Sports Core at suportado pa ng Air 21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.
Ang Petron na may 6-1 karta ay pasok na dahil hindi na aabot ang Lady Stallions at Foton Tornadoes sa anim na panalo.
Ang Raiders ang siyang tumapos sa anim na sunod na panalo ng Lady Blaze Spikers sa pamamagitan ng 25-20, 25-20, 16-25, 25-22, panalo sa huling laro.
Sina Emily Brown at Bonita Wise ay nakitaan ng magandang laro pero hindi nagpahuli ang mga locals tulad nina Maika Ortiz, Joy Cases at Rhea Dimaculangan para manatiling nasa ikalawang puwesto ang RC Cola sa 4-3 baraha.
Asahan naman ang matinding hamon mula sa Lady Stallions sa pagdadala ng mahusay na import na si Kristy Jaeckel upang manatiling buhay ang paghahabol sa ikaapat at huling puwesto sa semis.
Sa 3-5 baraha, kailangan ng expansion team na maipanalo ang huling dalawang laro para makahabol sa playoff.
Balikatan din ang unang laro sa alas-2 ng hapon sa hanay ng Cignal HD Lady Spikers at Generika Life Savers habang babangon ang Bench-Systema mula sa default na pagkatalo sa huling laro laban sa PLDT Telpad sa men’s division sa alas-6 ng gabi.