Perpetual teams naka-2 na

MANILA, Philippines – Walang naging problema sa mga koponan ng Perpetual Help ang pagsungkit ng ikalawang sunod na tagumpay nang hiritan ng straight sets pa­nalo ang mga koponan ng Mapua sa pagpapatuloy ka­hapon ng 90th NCAA volleyball sa The Arena sa San Juan City.

Ang team captain ng Lady Altas na si Jamela Suyat at baguhang si Cindy Imbo ay gumawa ng tig-11 puntos habang sina Coleen Lauurice  Bravo, Ana James Diocareza at Shyrra Cabriana ay nagsalo sa 22 puntos para sa balanseng opensa tungo sa 25-12, 25-19, 25-12, panalo sa Lady Cardinals

Sina Rey Taneo at Allan Jay Sala-an ay may 11 at 10 puntos para tulungan ang Altas sa 25-15, 25-20, 25-18, tagumpay laban sa Cardinals sa men’s division.

Ito ang ika-49 sunod na panalo ng Altas para ma­ipagpatuloy ang paggawa ng pinakamahabang winning streak sa kala­lakihan.

Sinaluhan ng St. Benilde Lady Blazers ang Lady Altas sa liderato habang ang Emilio Aguinaldo College Generals ay nakakuha rin ng kanilang ikalawang dikit na panalo para tablahan ang Altas.

Sina Jeanette Panaga, Jannine Navarro, Kym Alnette Ramos at Ranya Musa ay may 20, 18, 12 at 10 puntos para ibandera ang Lady Blazers sa 20-25, 25-20, 25-22, 25-16, panalo sa EAC Lady Generals.

Naipaghiganti ng Ge­nerals ang pagkatalo ng kanilang women’s team sa pamamagitan ng 25-23, 27-25, 25-23, dikitang panalo sa Blazers.

Show comments