JEJU ISLAND, South Korea – Tinalo ni featherweight Nesthy Petecio si Lianna Strandell ng Sweden para sa magarang panimula ng 8th AIBA World Women’s Championships sa Halla Gymnasium noong Linggo rito.
Ang 23-anyos na si Petecio ay nagpalit ng stance mula sa right hand stance tungo sa southpaw para sirain ang diskarte ng beteranang katunggali.
“Magalaw kaya mahirap patamaan. Kaya inabangan ko na lamang na pumasok siya at doon ko tinamaan ng mga cross at uppercut,” wika ni Petecio.
Sunod na kalaban ni Petecio si Manel Meharzi na nag-bye sa opening round.
Noong Lunes sumalang si flyweight Irish Magno laban kay Terry Gordino ng Italy. Mapapalaban ang tubong Iloilo na si Magno dahil si Gordino ay isang silver medalist sa 2012 World Championships sa Qinhuangdao, China.
Ang nagdedepensang kampeon sa light flyweight division na si Josie Gabuco ay walang laro sa first round at magbubukas ng kampanya sa Martes laban kay Pin Meng Chieh ng Chinese Taipei.
Maganda pa rin ang tsansa na manalo ni Gabuco dahil mas maganda ang kanyang kondisyon sa hangaring makabawi matapos ang kawalan ng medalya sa idinaos na Asian Games sa Incheon, Korea.
Si Barcelona Olympics bronze medalist Roel Velasco at 2006 Asian Games gold medalist Violito Payla ang mga coaches habang si Karina Picson, na kapapasa lamang bilang sa AIBA accreditation examination para sa tournament supervisors, ang team manager.