MANILA, Philippines – Bigo ang hangarin ni Dennis Orcollo na masikwat ang ikalawang titulo sa 2014 PartyPoker World Pool Masters sa Portland Centre, Notthingham, England nang matalo siya kay Chris Melling ng England, 6-8, sa unang laro noong Sabado ng gabi.
Ang magandang ipinakita ni Orcollo sa first rack sa race-to-9 ay biglang naglaho dahil sa mga mintis upang ibigay kay Melling ang sumunod na apat na racks para sa 1-4 iskor.
Isang dry break ni Melling ang ginawang puntos para sa No. 3 seed mula sa Pilipinas pero nasayang ang pagkahulog ng tatlong bola sa sargo ni Orcollo nang walang magandang tira para makuha pa ni Melling ang panalo.
Nasundan pa ito ng magandang sargo ng English player na kilala sa husay sa snooker dahil beterano ng World Snooker Tour para hawakan ang 6-2 bentahe.
Nag-iba ang ihip ng hangin sa puntong ito at si Orcollo ang sinuwerte at minalas si Melling para manalo ang una sa sumunod na apat na racks at magtabla ang dalawa sa 6-all.
Pero minalas Orcollo dahil hindi niya naipasok ang one-ball sa 13th rack at nasundan pa ito ng scratch sa 14th game.