MANILA, Philippines – Ang pangalawang dikit na panalo ang hanap ng nagdedepensang Perpetual Help sa pagpapatuloy ngayon ng 90th NCAA volleyball sa The Arena sa San Juan City.
Kalaro ng Altas at Lady Altas ang panlaban ng Mapua sa unang laro sa anim na larong nakahanay sa liga.
Ang Altas ay galing sa 25-19, 25-14, 25-20 panalo laban sa Jose Rizal University Bombers, habang mas pinawisan nang kaunti ang Lady Altas dahil sa 22-25, 25-18, 25-20, 25-19 panalo nila sa Lady Bombers sa mga unang laro.
Paborito ang dalawang nagdedepensang kampeon dahil kapwa talunan ang mga koponan ng Mapua sa kamay ng Arellano sa unang laro.
Sina Ma. Lourdes Clemente, Ana James Diocareza, Jamela Suyat at Cindy Imbo ang mga magtutulung-tulong muli para sa Lady Altas, habang sina Neil Barry Ytorzaita, Rey Taneo at Bonjomar Castel ang mga kakamada para sa Altas.
Sunod na laro ay ang St. Benilde kontra Emilio Aguinaldo College at Jose Rizal at laban sa Letran.
Parehong galing sa magarang panalo ang mga koponan ng St. Benilde at EAC kaya’t inaasahang magiging balikatan ang kanilang tagisan.
Mag-uunahan naman sa pagbangon mula sa kabiguan ang mangyayari sa pagtutuos ng JRU at Letran sa magkabilang dibisyon.