CLEVELAND – Sa isang gabi matapos mangailangan ang Cleveland ng malaking panalo ay kaagad na nagmadali si LeBron James.
At ito ay naging isang record-setting na panalo.
Umiskor si James ng 32 points at isinalpak ng Cavaliers ang 11 three-point shots, kasama rito ang siyam sa first quarter, para ilampaso ang Atlanta Hawks 127-94.
Ang Cavaliers ang naging unang koponan sa NBA history na naglista ng 9-for-9 shooting sa 3-point area sa isang yugto, ayon sa Elias Sports Bureau.
Kumonekta si James, tumipa ng season-high 41 points laban sa Boston Celtics noong Biyernes, ng tatlong tres sa first period at kaagad umiskor ng 11 points sa unang 3:34 minuto.
“Coming off a back-to-back I didn’t want us to have a slow start,” wika ni James. “I feel like the guys feed off my energy and I wanted to go out and be aggressive and see where it takes us. It got us to a huge lead.”
Tumipa ang Cavaliers, nasa isang four-game winning streak ngayon, ng 41 points sa first quarter.
Nagtala si James, ipinahinga sa fourth quarter, ng 13-of-20 fieldgoal shooting.
Nagdagdag si Kyrie Irving ng 20 points.
Itinala ng Cavaliers ang team record sa pagpoposte ng 19-for-31 clip sa 3-point range.
Ang kanilang 19 tres ay isa nang league season high.
Sa Toronto, umiskor si DeMar DeRozan scored 27 points, habang naglista si center Jonas Valanciunas ng mga season highs na 17 points at 14 rebounds para tulungan ang Raptors sa 111-93 panalo laban sa Utah Jazz.
Ito ang ikaanim na panalo ng Toronto sa huling pitong laro.
Nagtala si DeRozan ng 10-of-16 fieldgoal attempts matapos ang malamyang outside shooting sa nakaraang dalawang laro ng Raptors.
Tumipa si DeRozan ng mahinang 4-for-15 clip sa kanilang panalo sa Orlando Magic at nagposte ng 3-for-17 kontra sa Chicago Bulls.
‘’I just missed last game, honestly,’’ sabi ni DeRozan.
Umiskor si Kyle Lowry ng 19 points kasunod ang 16 ni Patrick Patterson at 13 ni Lou Williams.
Sa Chicago, kumamada sina A.J. Price, Luis Scola at Solomon Hill ng tig-21 points para tulungan ang Pacers sa 99-90 paggupo sa Bulls.
Nagdagdag naman si Chris Copeland ng 13 points para sa Pacers, naipatalo ang pito sa kanilang huling siyam na laro at nagmula sa 87-108 kabiguan sa Denver Nuggets noong Biyernes.