MANILA, Philippines – Binigyan pa ng sakit ng ulo ng Mane ‘N Tail Lady Stallions ang naunang matikas na Cignal HD Lady Spikers nang gibain nila ito, 25-14,17-25, 28-26, 25-21, sa 2014 Philippine Superliga na inihahandog ng Asics kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Naibalik ni import Kristy Jaeckel ang mabangis na porma nang magpasabog siya ng 36 hits para saluhan ng Mane ‘N Tail ang Cignal sa mahalagang ikaapat na puwesto sa ligang inorganisa ng Sports Core at may suporta pa ng Air 21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthyway Medical,Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.
Naroon din ang suporta ng mga locals ng Lady Stallions dahil nagsanib sa 29 puntos sina Rossan Fajardo, Lilet Mabbayad at Hezzymie Acuna para lumakas ang kapit ng expansion team na umabante sa semifinals.
May 24 puntos si Sarah Ammerman, habang 18 ang ginawa ni Lindsay Stalzer para sa Cignal pero malamya pa rin ang nakikita sa mga locals para lasapin ang ikatlong sunod na pagkatalo at ikaapat sa huling limang laro.
“Makikita mo sa kanya (Jaeckel) na gusto niyang manalo,” wika ni Mane ‘N Tail coach Francis Vicente sa kanilang import.
Babalik ang Lady Stallions ngayong hapon para sukatin ang Generika Live Savers at kailangan ng panalo para magsilbing momentum papasok sa huling dalawang mabibigat na laro kontra sa RC Cola-Air Force Raiders sa Miyerkules at sa walang talong Petron Lady Blaze Spikers sa Nobyembre 22.
Sa ikalawang laro, tinalo ng Foton Tornadoes ang RC Cola-Air Force Raiders, 22-25, 15-25, 25-20, 25-22, 15-11, para buhayin ang kanilang tsansa sa bisa ng 2-5 baraha.