MANILA, Philippines - Bubuksan ngayon ni Dennis Orcollo ang kampanya para sa 2014 PartyPoker World Pool Masters laban kay Chris Melling ng Great Britain sa Portland Centre, Nottingham.
Ang laro ay isa sa tatlong laro na magsisimula sa ganap na ala-1 ng hapon (Nottingham time) at ang mananalo ay aabante sa semifinals sa Linggo.
Ang 16 na nangungunang bilyarista sa mundo ang inimbitahan para maglaban-laban sa kompetisyong gagamitan ng 9-ball knockout format.
Sinahugan ito ng $66,000.00 at ang mananalo ay magkakamit ng $20,000.00 premyo.
Nagbukas ang aksyon noong Biyernes ng gabi at naglaban sina Niels Feijen (Ned) at Daniele Corrieri (Italy),Thorsten Hohmann (Ger) kontra Nikos Ekonomopoulos (Greece) at Darren Appleton (GBR) laban kay Alex Pagulayan (Canada).
Ang iba pang kasali ay sina Karol Skowerski ng Poland, Wang Can ng China, Shane Van Boening ng USA, James Georgiadis ng Australia, Karll Boyes ng Great Britain, Waleed Maled ng Qatar, Mika Immonen ng Finland at Mark Gray ng Great Britain.
Si Orcollo ang nasa ikatlong puwesto kung kita sa paglalaro sa taong ito ang pag-uusapan sa naiuwing $88,575.00 mula sa 23 torneong nilahukan.
May pitong panalo na siyang naitala at ang pi- nakamalaki ay nakuha sa Derby Classic Master of the Table na nagkahalaga ng $20,000.00.
Nais ni Orcollo na maging ikalawang Filipino na nakadalawang kampeonato sa kompetisyon matapos pagharian ito noong 2010 sa Pilipinas
Ang bukod-tanging Pinoy cue artist na nanalo ng dalawang beses ay si Francisco Bustamante na nangyari noong 1998 at 2001 nang ito ay itinaguyod sa bansa. (AT)