Ebondo nagpasiklab sa Bakers

MANILA, Philippines - Nakita ang galing ni Rod­rique Ebondo kung inside at outside game ang pag-uusapan para tulu­ngan ang Café France Ba­kers sa 66-61 panalo laban sa Jumbo Plastic Giants at saluhan ang pa­hingang Hapee Fresh Fighters sa unang puwesto sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Ynares Arena sa Pasig City.

Ang 6’6 center ay may double-double na 16 puntos at 13 rebounds pero nagpatindi sa kanyang ginawa ay ang four-of-six shooting sa 3-point line.

Hinawakan ng Giants ang kalamangan sa unang dalawang quarters, 16-13 at 36-32, pero hindi nila nagawang sabayan ang pagganda ng shooting ng katunggali upang maputol ang dalawang sunod na panalo at makatabla sa ikaapat at limang puwesto ang Wangs Basketball sa 2-1 karta.

“Natuwa ako sa kanilang ipinakita dahil naalpasan nila ang hamon ng Jumbo Plastic na isa sa malalakas na team sa liga,” wika ni Bakers coach Edgar Macaraya.

Dalawa sa limang triples sa ikatlong yugto ang inangkin ni Ebondo para pagningasin ang 21-8 palitan upang umuna na ang Bakers, 53-44, papasok sa huling yugto.

Sina Joseph Sedurifa at Bong Galanza ay may 12 at 11 puntos para sa Café France habang si Jaymo Eguilos ay mayroong 11 puntos pero siya lamang ang nasa double-digit para sa Giants.

Tinapos ng Bread Story-Lyceum Pirates ang dalawang dikit na pagkatalo nang lasingin ang Tanduay Light Rhum Masters, 69-64   sa unang laro.

Si Giovanni Jalalon ay may game high na 15 puntos kahit galing sa bench at 11 rito ay ginawa niya sa second half na kung saan nanalasa ang Pirates para sa 1-2 baraha.

Nagpakawala sina Ja­lalon at Louie Vigil ng tig-isang triples sa 10-2 palitan upang burahin ng Bread Story ang 45-50 iskor at ginawang 55-52 ka­la­mangan papasok sa huling yugto.

Dumikit ang Rhum Mas­ters sa isa, 57-56, pero nagtulong uli sina Vigil at Jalalon para ilayo sa lima ang Pirates, 62-57.

Nagbalik mula sa one-game suspension si Tanduay coach Lawrence Chongson pero hindi niya napigil ang paglagapak ng koponan sa ikalawang sunod na pagkatalo para makasalo ng Bread Story, AMA U Titans at MP Hotel Warriors sa 1-2 karta.

 

Show comments