DALLAS -- Tandang-tanda pa ni Dirk Nowitzki kung paano niya pinanood si Hakeem Olajuwon mula sa kanyang tahanan sa Germany bilang isang teenager noong 1990s.
Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit naging espesyal ang pag-angat niya sa NBA scoring list.
Ang pangalawa ay nang pagbidahan ng Dallas star ang pagbangon ng Mavs mula sa 24-point deficit.
Umiskor si Nowitzki ng 23 points para lampasan si Olajuwon bilang highest-scoring player na isinilang sa labas ng U.S. at igiya ang Mavericks sa 106-98 panalo sa Sacramento Kings.
Ito ang pang-21 sunod na regular-season win ng Mavericks laban sa Kings.
“You know to pass ‘The Dream’ is unbelievable,” sabi ng 36-anyos na si Nowitzki, nasa kanyang ika-17 season para sa Mavericks.
Nagsalpak si Nowitzki ng jumper sa pagsisimula ng fourth quarter para lampasan si Olajuwon sa No. 9 at tinapos ang laro na may 26,953 career points.
Pitong puntos ang inilamang niya kay Olajuwon, naglaro ng 17 taon para sa Houston bago magretiro noong 2002 matapos ang isang season sa Toronto.