Nagpaalam na si Chot Reyes bilang head coach ng Gilas Pilipinas.
Si Chot mismo ang humiling na alisin na ang pangalan niya sa listahan ng mga kandidato kung sino ang patuloy na magpapatakbo ng Gilas sa mga susunod na taon.
Nawasak ang pangarap ng Gilas sa kanilang mga fans sa nakaraang Asian Games sa Incheon, South Korea nang hindi man lang umabot sa semis ang mga poging Gilas.
Kung baga sa karera ng kabayo ay naka-tip silang manalo o kaya ay umabot man lang sa finals.
Pero nabigo sila at umuwing luhaan.
Maraming bumatikos kay Chot na kesyo inuuna raw nito ang kanyang sarili bago ang kapakanan ng team. Maraming humiling na tanggalin siya bilang head coach.
Pero hindi nawala ang tiwala ng Samahang Basketbol ng Pilipinas kay Chot at kahit na nag-isip ang SBP na i-overhaul ang coaching staff ng Gilas ay kasama pa rin ang pangalan ni Chot sa listahan.
Malayo ang narating ng Gilas sa kamay ni Chot.
At para sa ibang PBA coaches, si Chot pa rin ang dapat coach ng Gilas.
Umalma na naman ang mga anti-Chot.
Napundi na rin siguro ang batikang coach at nag-decide siya na umayaw sa bagong selection process. May mga ilang coaches na tinitingnan ang SBP gaya ni Tab Baldwin na consultant ng Talk N Text o kaya ay si Ryan Gregorio.
Puwede rin daw si Robert Jaworski. Ang iba naman ay gusto si Tim Cone.
Mahabang proseso ang pagpili sa bagong coach ng Gilas na magsusubok dalhin ang team sa 2016 Rio Olympics.
Ayaw na ni Chot.
“Hail and farewell,” ang paalam sa kanya ng Gilas big boss na si MVP.