MANILA, Philippines – Inangkin nina Chloe Mae Saraza at Mikaela Vicencio ang titulo sa kanilang mga dibisyon sa 33rd Philippine Columbian Association (PCA) Open na inihandog ng Cebuana Lhuillier at Metro Global Holdings kahapon sa PCA indoor shell clay courts sa Paco, Manila.
Nagposte ang top seed na si Saraza ng 6-0, 4-6, 6-1 panalo laban sa unseeded na si Angela Caparal para makamit ang korona sa girls 16-under event.
Binigo naman ng No. 1 na si Vicencio si No. 2 Jackie Tan Ho, 6-4, 6-4, para makopo ang titulo sa girls’ 14-under ng torneong suportado ng Dunlop, Fujidenzo/Whirlpool, Babolat, Hon. Emmanuel “Manny” Pacquiao, Head, Accel, Malate Bayview Mansion, Coca-Cola Bottlers Phils. Inc., Philippine Prudential Life Insurance Company Inc. at Seno Hardware.
Nagkampeon si unseeded Jose Maria Pague sa boys’ 14-under matapos ilista ang 2-6, 6-4, 5-4 (ret.) panalo kontra kay third seed Janus Ringia.
Nagpasya si Ringia na magretiro matapos manakit ang hita nito dahil na rin sa matinding init.
Nakisalo sa tagumpay sina Daniel Estanislao III, Brent Signmond Cortes at Alexandra Eala na nagkampeon sa kani-kaniyang kategorya.
Ginulat ng unranked na si Estanislao si second seed Aljon Talatayod, 6-2, 6-3, para sa boys’ 12-under crown, habang namayani ang No. 5 na si Cortes kay No. 3 Rupert Ohrelle Tortal, 2-4, 4-0, 5-4 (5), para sa 10-unisex title.