MANILA, Philippines – Nananatiling palaban ang mga Pambansang bowlers na sina Liza del Rosario at Biboy Rivera sa 50th Qubica AMF World Cup nang umabante sa quarterfinals noong Sabado sa Sky Bowling Center sa Wroclaw, Poland.
Ang dating world champion sa trios event na si Del Rosario ay tumapos sa pang-apat sa kababaihan habang ang dating world FIQ champion na si Rivera ay nalagay sa ikalimang puwesto sa kalalakihan.
Nagtala si Del Rosario ng 6151 pinfalls matapos ang 28 laro para sa 219.68 average para sundan sina Clara Juliana Guerrero ng Colombia (6225), Li Jan Sin ng Malaysia (6213) at Brittni Hamilton ng USA (6167).
Sa kabilang banda, si Rivera na nasa ikatlong pagkakataon na makasali sa kompetisyong ito ay nagkaroon ng 6461 para sa 230.75 average.
Nangunguna sa kalalakihan si Tobias Bording ng Germany sa 6758 habang sina Magnus Johnson Jr. ng Sweden (6758), Chris Barnes ng US (6506) at Glen Loader ng Australia (6468) ang mga nasa ikalawa hanggang ikaapat na puwesto.
Ang mga umabante ay sasalang uli sa isang round robin at ang makukuhang panalo ay may bonus points na 30 at ang tabla ay may 15 puntos para madetermina ang unang tatlong manlalaro na siyang maglalaban-laban sa kampeonato.