MANILA, Philippines – Tinapos kahapon ni American challenger Chris Algieri ang kanyang pagsasanay sa Las Vegas, Nevada at nakatakda nang magtungo sa Macau, China kung saan sila magtutuos ni Manny Pacquiao sa Nobyembre 23 sa The Venetian.
Sa kanyang pang huling public workout ay ipinakita ng 5-foot-10 na si Algieri ang kanyang maskuladong pangangatawan at magandang kondisyon sa harap ng mga boxing fans sa Las Vegas.
Hangad ni Algieri (20-0-0, 8 KOs) na maagaw ang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown ng 5’6 na si Pacquiao (56-5-3, 38 KOs).
Nakatakdang magtungo ang Team Algieri sa Macau, China sa Miyerkules.
Kamakalawa ay sumailalim ang 30-anyos na si Algieri sa 13 rounds na sparring laban sa tatlong magkakaibang sparmates.
Ngunit walang napuruhan si Algieri sa kanyang mga sparmates kumpara sa 35-anyos na si Pacquiao sa kanyang training camp sa Wild Card Pacman Gym sa General Santos City.
Matapos mapadugo ang ilong ni 5’11 Viktor Postol (26-0-0, 11 KOs) at matamaan nang solido si 5’9 Mike Jones (26-2-0, 19 KOs) ay napabagsak naman ni Pacquiao si 5’10 Stan “The Man” Martyniouk (13-2-0, 2 KOs) noong Huwebes.
Kamakailan ay sinabi ni chief trainer Freddie Roach na mas mahusay pa ang naturang mga sparmates ni Pacquiao kesa kay Algieri.