MANILA, Philippines – Natakasan ng ILLAM ang hamon ng Ateneo Juniors sa 10-9 panalo sa extension sa pagsisimula ng PSC Chairman’s Cup Baseball Classic kahapon sa Rizal Memorial Baseball Stadium.
Naka-hit si Diego Lorenzo sa isang two-out situation at mapaiskor sina Jaime Sta. Maria at Baste Uichico upang magtabla sa 9-all ang laro matapos ang nine innings.
Binokya ni Lozano ang Eaglets sa kanilang opensa bago sinuwerte si Lozano nang nakatungtong sa error ni Marco Mallari. Naihatid ni Lozano ang winning run sa sacrifice hit ni Rafael Pascual.
Masakit na pagkatalo ito sa Ateneo dahil lumamang sila sa 9-6 bago bumigay at malaglag sa loser’s bracket sa double elimination na liga.
Si PSC commissioner Iggy Clavecilla ang kumatawan kay chairman Ricardo Garcia sa opening ceremony at nagsagawa ng ceremonial pitch sa naturang liga. (AT)