MANILA, Philippines – Malaki ang paniniwala ni POC president Jose Cojuangco Jr. na matutuloy ang matagal nang plano na makapagpatayo ng makabagong training center para sa Pambansang manlalaro.
Sa kanyang pananalita sa send-off ceremony para sa delegasyong maglalaro sa Asian Beach Games sa Phuket, Thailand, kanya pang tiniyak na hindi magiging problema ang pondong kakailanganin para ipanggastos sa ipapagawang pasilidad.
“I’d like to give you this very good news because it’s almost in the bag. We’re getting 50 hectares in Clark Field, we will putting up finally our own training center. Initial budget for that is P3.5 billion, I think meron na tayong pera,” wika ni Cojuangco.
Ang pagkukunan ng pera ay ang pagbebentahan ng Rizal Memorial Sports Complex at ang P3.5 bilyon ay ang porsiyento ng POC mula sa Siyudad ng Maynila na siyang nagmamay-ari sa lupa ng RMSC.
Ang training center ay isa lang sa malaking plano na binanggit ni Cojuangco para matapos na ang mga kabiguang inaabot ng Pambansang atleta sa mga nilalahukang kompetisyon sa labas ng bansa.
Ang isa pa ay ang masusing pagsubaybay sa pipiliing 150 hanggang 200 Pambansang atleta na bibigyan ng tirahan at intensibong pagsasanay para sa 2015 SEA Games.
Hanap ng bansa na makabangon mula sa pinakamasamang seventh place pagtatapos sa 2013 Myanmar SEA Games at ang pagkakaroon lamang ng isang ginto sa Asian Games sa Incheon, Korea.
Sina PSC chairman Ricardo Garcia at PAGCOR President at Chief Operating Officer Jorge V. Sarmiento ay dumalo rin sa seremonyang ginawa noong Biyernes ng gabi sa Philsports Arena sa Pasig City dahil isinabay sa seremonya ang pagbibigay ng insentibo sa mga nanalo sa Asian Games sa Incheon, Korea at sa ICF World Dragon Boat Championships sa Poland.
Halagang P5.4 milyon at P2.5 milyon ang kabuuang halaga na ibinigay sa Asian Games medalists at nanalo sa World Dragon Boat Championships.