TORONTO – Nagposte si guard Kyle Lowry ng 13 points, 10 assists at season-high 11 rebounds para sa kanyang unang triple-double sa season at iginiya ang Toronto Raptors sa 103-84 panalo kontra sa Washington Wizards sa NBA.
Umiskor si DeMar DeRozan ng 25 points para pangunahan ang Raptors, nagposte ng magandang 5-1 panimula, habang nagdagdag si Terrence Ross ng season-high 18 points kasunod ang 13 ni Lou Williams.
Tumipa naman si Otto Porter ng 13 points kasunod ang 11 ni Kris Humphries sa panig ng Wizards.
Sa Oklahoma City, sinamantala ng Memphis Grizzlies ang pag-upo nina injured stars Kevin Durant at Russell Westbrook para talunin ang Thunder, 91-89, at itala ang kanilang ikaanim na sunod na panalo.
Naimintis ni center Serge Ibaka ang isa sanang game-winning 3-pointer sa pagtunog ng final buzzer para sa Thunder.
Ang tres ni Mike Conley sa huling 38.3 segundo ang nagbigay ng bentahe sa Memphis patungo sa paglusot sa Oklahoma City.
Nagkaroon ng pagkakataon ang Thunder na maagaw ang unahan subalit natawagan sila ng five-second violation sa natitirang 5.9 segundo.
Sa iba pang laro, tinalo ng Charlotte ang Atlanta, 122-119; binigo ng Orlando ang Minnesota, 112-103; giniba ng Chicago ang Philadelphia, 118-115; pinayuko ng Boston ang Indiana, 101-98; ginitla ng Brooklyn ang New York, 110-99 at pinahiya ng Detroit ang Milwaukee, 98-95.