Raiders, Lady Spikers umalagwa

Sinalag nina Maika Angela Ortiz at Ian Yongco ng RC Cola ang kill ni Rossan Fajardo ng Mane and Tail sa PSL Grand Prix Women’s volleyball sa Cuneta Astrodome. (Joey Mendoza)

Laro Bukas

(Cuneta Astrodome)

4 pm  Generika

 vs Mane ‘N Tail (W)

6 pm  Foton  vs Petron (W)

8 pm  Cignal vs Cavite (M)

 

MANILA, Philippines - Hindi pa rin nababawa­san ang galing ni Kristy Jaeckel ngunit ang huling halakhak ang napunta sa RC Cola-Air Force Raiders nang kunin ang 25-22, 26-24, 22-25, 25-22, panalo sa Mane ‘N Tail Lady Stallions sa 2014 Philippine Superliga Grand Prix na handog ng Asics kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Sina Emily Brown at Bonita Wise ay may 20 at 14 puntos para sa Rai­ders na umakyat sa 3-2 baraha sa ligang inorganisa ng Sports Core katuwang ang Air21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partner.

Nagpakawala si Jae­c­­kel ng 38 hits, tampok ang 34 kills pero nadepensahan siya sa huli para sa ikatlong pagkatalo sa apat na laro ng Lady Stallions.

Wala naman naging prob­lema ang Cignal HD Lady Spikers sa Foton Tor­nadoes sa 27-25, 25-14, 25-21, panalo sa ikalawang laro.

May 23 puntos mula sa 18 kills, tatlong aces at dalawang blocks si Lindsay Stalzer habang 15 puntos pa ang hatid ni Sarah Ammerman para sa Cignal na kumapit pa sa pangala­wang puwesto sa 3-1 baraha.

“Alam namin na maga­ling siya kaya pinag-aralan namin ang ikinikilos ni Kris­ty. Isa lang talaga ang pinagtuunan namin sa la­rong ito at ‘yun ang pigilan siya,” wika ni Raiders coach Rhovyl Verayo.

Si Kaylee Manns ang nagsikap para bitbitin ang Lady Stallions nang napo­sasan si Jaeckel ngunit ang napalakas na atake ang nagbigay ng match point sa Raiders bago nasundan ng puntos galing kay Brown tungo sa panalo.

Naghatid ng 18 kills ang 6’2 na si Brown bukod pa sa dalawang aces. (ATan)

Show comments