Thunder pinuwersa ang Tams sa Game 3
MANILA, Philippines - Nanatiling buhay ang paghahangad ng Rizal Technological University Blue Thunder na okupahan ang ikatlong puwesto sa men’s division sa Sha-key’s V-League Season 11 Third Conference sa 36-34, 25-19, 25-22, panalo sa Far Eastern University Tamaraws kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Ito ang unang panalo ng Thunder matapos ang apat na pagkikita ng RTU at FEU sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at may ayuda pa ng Accel at Mikasa.
Gumana uli ang laro ni Jaidal Abdul sa kanyang 15 hits pero naroroon ngayon ang suporta nina Carlo Sebastian at Sabtal Abdul sa kanilang 13 at 11 puntos para magkatabla ang magkabilang panig sa 1-1 sa best-of-three series.
Ang sudden-death para sa ikatlong puwesto ay paglalabanan sa darating na Martes (Nobyembre 11).
Tulad sa Game One na napanalunan ng FEU, 30-28, 21-25, 25-16, 25-23, ay balikatan ang labanan sa first set na pinalad na kinuha ng RTU.
Tila naubos ang lakas ng FEU para maisuko ang labang tumagal ng isang oras at 24 minuto.
Angat ang FEU sa attacks, 44-40, pero lamang ang RTU sa blocks, 6-4 at serve, 5-1.
Isa sa pinakamatinding ininda ng Tams ay ang kanilang 35 errors laban sa 26 lang ng Thunder.
Si Kenneth Bayking ay may 16 digs laban sa 10 digs ni Rikko Marmeto sa tagisan ng mga libero.
- Latest