MANILA, Philippines - Naisulong ng Cagayan Valley Rising Suns at Café France Bakers ang karta sa ikalawang sunod na panalo nang maisantabi ang pagkawala ng malaking kalamangan tungo sa magkahiwalay na panalo sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Gumana uli si Michael Mabulac sa kanyang 24 puntos at siyam na rebounds habang double-double na 13 puntos at 10 assists ang ibinigay ni Alex Austria para pangunahan ang 97-94 panalo sa Bread Story-Lyceum.
Lumamang ng hanggang 18 puntos ang Rising Suns pero tulad sa unang laro ay nanlamig sa ikaapat na yugto nang iskoran ng Breed Story ng 34 puntos.
Masuwerte pa ang Cagayan dahil sablay ang binitiwang panablang 3-pointer ni Louie Vigil para makasalo ang koponan sa pahingang Jumbo Plastic Giants sa unang puwesto.
“Wala kaming problema sa first three quarters pero sa fourth period, nagkanya-kanya. Kulang pa ng leader,” wika ni Mabulac.
Naghatid pa sina Jason Melano, Don Trollano at Randy Dilay ng 19, 12 at 12 puntos para sa nanalong koponan na hindi pa rin nagagamit ang serbisyo ng top rookie pick na si Moala Tautuaa.
Gumawa ng career-high na 27 puntos si Joseph Gabayni at 15 rito ay kanyang ibinagsak sa huling yugto pero sinamang-palad na kinapos sa huli upang bumaba sa 0-2 baraha.
Kinailangan ng Bakers na magtrabaho sa huling yugto para maipagpag ang determinadong Racal Motors, 67-56 sa ikalawang laro.
Binulaga ng Café France ang katunggali sa pamamagitan ng 30-10 panimula pero nakabangon ang Racal Motors at nakapanakot sa 58-56 sa tres ni Jeff Viernes sa huling 4:32 ng labanan.
Pinagtibay ng Bakers ang kanilang depensa para hindi na paiskorin pa ang katunggali habang sina Rodrique Ebondo, Rodney Samboy De Leon at Alvin Abundo ang nagtulong sa huling siyam na puntos sa laro.