Talatayod, Estanislao sa semis

MANILA, Philippines - Hindi nagpapigil sina second seed Aljon Talata­yod at unseeded na si Da­niel Estanislao III para umabante sa semifinals sa boys’ 12-under sa 33rd Philippine Columbian Association (PCA) Open na inihandog ng Cebuana Lhuillier at Metro Global Holdings kahapon sa PCA indoor shell clay courts sa Paco, Manila.

Giniba ni Talatayod si sixth pick Jan Harold Trillanes, 6-1, 6-3, habang naitakas ni Estanislao ang 6-2, 7-5 panalo laban kay Sherwin Villacorte.

Makakalaban ni Talatayod sa semis si No. 3 Jose Angelo Aparte na may naitalang 6-4, 6-2 panalo kay Alfred Doloroso at haharapin ni Estanislao si Lawrence Quitara na umiskor ng 6-0, 6-0 demolisyon laban kay Ralph Joseph Pagtalunan.

Sa 10-under unisex, ginulat ni unseeded Brent Signmond Cortes si No. 4 Macie Carlos, 4-0, 4-1, papasok sa semis ng torneong suportado ng Dunlop, Fujidenzo/Whirlpool, Babolat, Accel, Malate Bayview Mansion, Coca-Cola Bottlers Phils. Inc., Philippine Prudential Life Insurance Company Inc., Seno Hardware at ni Hon. Emmanuel “Manny” Pacquiao, Head.

Lalabanan ni Cortes sa semis ang top seed na si Miguel Luis Vicencio na pinatumba si Marc Andrei Jarata, 4-2, 4-0.

Pasok din sa semis sina No. 2 Rafael Liangco at No. 3 Rupert Ohrelle Tortal na tinalo ang Mindanao bets na sina Prince Najeeb La­ngitao, 5-3, 2-4, 4-1 at Minette April Bentillo, 4-1, 4-0, ayon sa pagkakasunod. 

 

Show comments