Puwestuhan sa liderato

MANILA, Philippines - Apat na koponan ang magtatangkang makisalo sa unang puwesto sa pag­­­papatuloy ng PBA D-League Aspirants’ Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City ngayong  hapon.

Ang Cagayan Valley Rising Suns ay makikipagpalitan ng buslo sa Bread Story sa ganap na alas-12 ng tanghali bago halinhinan ng Café France Bakers kontra sa Racal Motors dakong alas-2 ng hapon.

Huling labanan ay sa pagitan ng Tanduay Light Rhum Masters at Hapee Fresh Fighters dakong alas-4 ng hapon.

Ang Rising Suns, Ba­kers, Rhum Masters at Fresh Fighters ay nanalo sa kanilang unang asignatura at kung palarin pa ay makakasama ng pahi­ngang Jumbo Plastic Giants sa unang puwesto sa 2-0 marka.

Hindi  pa rin makakapi­ling ng Cagayan ang top pick sa rookie draft na si 6’7 Moala Tautuaa kaya’t pa­tuloy na sasandalan ng koponan ang husay ni  Michael Mabulac na tumipa ng 20 puntos at 13 rebounds sa 94-86 tagumpay sa MJM Builders.

Magandang pagtutulungan ang aasahan ng Café France para madugtungan ang 86-59 panalo sa MP Hotel sa unang laro.

Naungusan naman ng Rhum Masters ang MJM Builders, 78-77, habang nasilayan ang individual talent ng Hapee para sa 69-61 panalo sa AMA University Titans.

 

Show comments