MANILA, Philippines - Sasambulat ngayon ang semifinal round ng Football Alliance League Cup kung saan hangad ng apat na natitirang koponan ang unang tropeo ng United Football League sa 2014-15 season.
Lalabanan ng 2013 League champions Global ang reigning UFL Cup winners Loyola Meralco Sparks sa alas-4:45 ng hapon sa Rizal Memorial Football Stadium.
Sa alas-8:15 ng gabi ay magsusukatan naman ng lakas ang Pachanga Diliman, ang finalists sa nakaraang UFL Cup, at ang Ceres-La Salle, ang powerhouse club ng Bacolod at nagkampeon sa Second Division.
Ang mga laro ay isasaere sa Aksyon TV.
Ang Ceres-La Salle, ang tanging koponan na nagwalis sa kanilang pitong laro sa FA League Cup, ay tatampukan ng mga national team players at hangad maiuwi ang tropeo sa Bacolod City.
“We’re very very excited,” sabi ni Ceres manager Ali Go. “We’ve been waiting for this. We’re training so hard to win a championship. We will not stop until we are champions.”
Inaasahan namang bibigyan sila ng magandang laban ng Pachanga Diliman.