MANILA, Philippines - Kabuuang 3 golds, 2 silvers at 3 bronze medals ang sinikwat ng Pilipinas para makuntento sa fifth place sa pagtatapos ng 9th WTF World Taekwondo Poomsae Championships sa Aguascalientes, Mexico.
Ang huling gintong medalya ay inihatid ni Jean Pierre Sabido sa freestyle male individual over-17 event.
Naglista si Sabido, miyembro ng koponang naghari sa recognized poomsae men’s team over-30 division, ng 7.580 points para kunin ang gold medal sa freestyle poomsae at talunin si Trung Dhuoc Dai Nguyen (7.360) ng Vietnam.
Ang ikalawang gold medal ni Sabido ang humirang sa kanya bilang male Most Valuable Player sa freestyle poomsae category sa nasabing 46-nation meet.
Si Adalis Muñoz ng Amerika ang nakakuha ng MVP honors sa women’s division ng FS poomsae, habang sina Korean Kwang Ho Park at Mexican Olin Yolistan Median Lopez ang tinanghal na male at female MVPs, ayon sa pagkakasunod, sa recognized poomsae play.
Ang unang ginto ni Sabido ay mula sa panalo niya sa recognized poomsae men’s team kasama sina Glenn Lava at Ernesto de Guzman, Jr.
Kumuha rin ng ginto si Lava mula sa kanyang tagumpay sa FS mixed over-17 katuwang sina Jeordan Dominguez, Jaylord Seridon, Janice Lagman at Rani Ortega.
Ang Korea ang hinirang na overall champion sa nahakot na 13 gold, 1 silver at 2 bronze medals kasunod ang China (5 golds, 1 bronze) at USA (4-4-11). Ang Vietnam, kalaban ng bansa sa SEAGames, ay kumuha ng 3 golds, 6 silvers at 5 bronze medals para sa pang-apat na puwesto.